Bahagi ng gumuhong Baltimore bridge ipinagiba na ng mga awtoridad sa US
Gumamit ng mga pampasabog ang demolition experts upang gibain ang gumuhong bahagi ng tulay sa Baltimore, para maalis na sa pagkaka-ipit ang isang cargo ship, na bumangga doon noong Marso.
Makatutulong ang naturang demolisyon upang maalis na ng mga manggagawa ang halos 1,000 talampakan (300 metro) Dali container vessel na halos ganap na humarang sa daraanan ng isa sa pinakamalaking daungan ng America sa nakalipas na anim na linggo.
Ang Francis Scott Key Bridge, isang pangunahing transit route, ay nawasak sa ilang segundo lang nang mawalan ng kuryente ang Singapore-flagged ship at inararo ang isang support column ng tulay, sanhi upang ito ay bumagsak na ikinamatay ng anim na construction workers.
Noong isang buwan ay nangako si President Joe Biden na gagawin ang lahat upang muling maitayo ang tulay, sa pamamagitan ng federal funds at sinabing isang bagong channel para sa shipping traffic ang bubuksan sa katapusan ng Mayo.
Ayon sa Key Bridge Response Unified Command, na siyang nagsagawa ng demolisyon, ang maliliit na bahagi ay i-aangat ng mga crane, upang ang Dali ay mai-alis mula sa channel.
Sinabi ng grupo na binubuo ng state at federal agencies kabilang ang US Coast Guard, na isang 6,000 talampakang “noise radius” ang itinayo sa paligid ng blast site, kung saan pinagsuot ang mga tao ng hearing protection.
Yaon namang nasa labas ng radius ay inaasahang makaririnig ng tunog na “singlakas lamang ng standard fireworks show,” na tatagal ng dalawa hanggang limang segundo.
Tuloy-tuloy ang naging trabaho ng mga awtoridad upang alisin ang gumuhong tulay at muling mabuksan ang waterway, na hindi na naraanan dahil sa wreckage ng barko.
Apat na pansamantalang channels ang binuksan para sa ‘maritime traffic’ papasok at palabas ng Baltimore.
Ayon sa pantalan ng pinakamalaking siyudad sa Maryland, ang unang “RoRo” ship na naka-disenyo upang magdala ng roll-on, roll-off cargo gaya ng mga sasakyan at mga trak, ay dumating na simula nang mangyari ang pagguho noong Marso 26.
Sa tala ng estado, ang daungan na isang pangunahing hub para sa industriya ng sasakyan, ay tumanggap ng 850,000 mga sasakyan at light trucks noong nakaraang taon, higit kaysa lahat ng iba pang daungan sa US.
Noong nakaraang linggo, natagpuan na ng mga awtoridad ang pang-anim at huling biktima na namatay sa insidente. Kasama ito sa walong construction crew na nagtatrabaho sa tulay nang ito ay mabangga.
Noong Abril naglunsad ang FBI ng criminal investigation target ang container ship na bumangga sa tulay, kung saan umakyat sa Dali ang mga agent nito bilang bahagi ng imbestigasyon.
Nagbukas din ng sarili nilang imbestigasyon sa nangyari ang National Transportation Safety Board.