Bahay kubo pantry sa Malolos binuksan na
Sinimulan na ang bahay kubo pantry ng Bulacan State University o BulSU, sa pangunguna ng BulSU Extension Services Office o ESO.
May tema itong “Damayan Para sa Iyo, at sa Kanila.”
Maaga pa lamang ay dinagsa na ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang barangay ng Malolos City ang bahay kubo pantry, matapos nila iyong makita sa post ng ESO sa social media.
Bigas, iba’t ibang gulay, itlog at iba pang pagkain ang ipinamahagi sa unang araw ng bahay kubo pantry, na nasa gate 1 ng nasabing pamantasan.
Tiniyak naman ng mga kinauukulan na nasunod ang safety protocols sa pagsasagawa nito.
Katulong ng security guards ang mga barangay tanod at mga pulis upang matiyak ang social distancing sa pila.
Kailangan din munang dumaan ng mga ito sa thermal scanner, magpi-fill up ng registration form at saka isa-isang papasok sa bahay kubo.
Ayon kay ESO Director Elizabeth Chua, sa proyektong ito ng pamantasan, araw-araw ay may iba-ibang nakatalaga na mangasiwa sa pamamahagi ng pagkain.
Ngayong ikalawang araw ng bahay kubo pantry, ang mangangasiwa ay ang College of Science, habang magtutulong-tulong naman ang mga guro sa paghahanda ng mga ipamamahagi sa susunod na araw.
Ulat ni Dhen Mauricio Clacio.