Bakit may mga pasaway?
Mahigit isang taon na ng magdeklara ng lockdown sa ating bansa maging sa maraming bansa sa mundo. Halos lahat ay nagulat, hindi makapaniwala na pandaigdig ang epekto ng Covid 19.
Marami sa atin ang nagkaroon ng iba’t ibang reaksyon at pakiramdam sa isyung pangkalusugan na ito dahil na rin sa maraming alalahanin na kaakibat nito.
May ilan na hindi naniniwala, may ilan, hindi matanggap na nasa ganito tayong sitwasyon, ang malockdown. At ngayong taon ay muli tayong sumailalim sa panibagong ecq, ang dating isang linggo ay na extend pa ng one week, naging mecq for 2 weeks, at kamakailan ay idineklara ulit na extended ang mecq sa ncr bubble plus na tumagal ng May 14.
Kabilang na rin dito ang mga napabalitang lumalabag sa mga health at quarantine protocols, may lumabag sa curfew hours at sa iba pang guidelines na ipinalalabas.
Alamin natin kung bakit may nakalalabag o masasabi ba natin na sila ay pasaway? Para maunawaan natin kung bakit narito ang paliwanag ni Ma’am Vida Cagurangan, isang psychologist.
May common reasons kung bakit may mga tao talaga na ayaw sumunod. Sila yung tinatawag nating non-conformist. Hindi nila tinatanggap mga bagay na generally accepted. Gusto nila na ipakita na kaya nila, kung makalulusot.
Meron din namang mga tao na may “trust issues” hindi gusto ang ipinatutupad, o hindi gusto ang namumuno. Nais nilang ipakita na mas mahusay sila sa namumuno.
Ito ang bagay na nakaiimpluwensiya sa tao para sumuway o hindi sumunod sa mga ipinatutupad na protocols. Kung may nakikita silang hindi sumusunod, iniisip nila nababalewala ang kanilang pagsunod.
May mga lumalabag naman dahil hindi naiintindihan ang ipinatutupad. Dahil sa tagal ng lockdown, ang pagtanggap sa panibagong panuntunan ay nagdudulot ng pagkapagod para sa iba.
At ang huli hindi alam ang patakaran, hindi sinasadya o unintentional na pagsuway.
Samantala, inilarawan ng World Health Organization ang ganitong kaisipan patungkol sa virus bilang “covid fatigue”.
Ang ibig sabihin nito ay ang kawalan ng gana sa pagsunod sa guidelines at sa mga gawi na inirerekomenda upang maproteksyunan ang indibidwal sa nangyayari paglipas ng panahon.
Ito ay naapektuhan ng iba’t ibang reaksyon, karanasan at pananaw. Inilarawan ito ng organisasyon bilang “natural response” dahil sa prolonged global health crisis na naipapakita sa di pagsunod sa mga inirerekomendang guidelines at ang kaisipan sa mababang peligro na pwedeng makuha sa covid-19.
Kaya nga kung meron tayong nababalitaan na nagiging pasaway, maaaring dahil ang ating isip ay nasanay na sa existence ng virus, bagamat may ipinapakitang medical data salungat sa iniisip na mababa ang peligro nito.
Sana makatulong ang pagdating ng mga bakuna at mas dumami pa ang bilang ng maging positibo sa pagtanggap dito.