Bakit muling sumiklab ang labanan sa Israel at Gaza?

(Photo by Sebastian Scheiner / POOL / AFP)

(Batay sa paliwanag ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu)

May 10, 2021: Nagsimula ang malawakang rocket attacks mula sa Gaza makaraan ang ilang linggong pagsasagawa ng terorismo ng Palestina, gaya ng paglulunsad ng rockets at incendiary balloons (mga lobo na may kasamang pampasabog) mula sa Gaza Strip, malawakang riot at iba pang pag-atake sa Jewish civilians sa Jerusalem.

Motibo: Nais ng Palestinian Authority na ilayo ang atensyon ng publiko sa naging desisyon nitong ipagpaliban ang eleksyon upang makaiwas sa kritisismo.

Nais rin ng Hamas na ipakita ang kanilang lakas sa mata ng kanilang mga kababayan at sa buong mundo sa pamamagitan ng pagsisimula ng karahasan at kaguluhan, kasabay ng pagpapakilalang sila ang tagapagtanggol ng Jerusalem.

Timing: Sinamantala ng mga lider ng Palestina ang sensitibong damdamin ng publiko sa panahon ng Ramadan sa lantarang pag-uudyok ng karahasan upang makapukaw ng atensyon.

(Photo by MAHMUD HAMS / AFP)

Mga naunang pangyayari:

Ang labanan ngayong linggo ay kasunod ng ilang linggo nang pinaigting na terorismo ng Palestinian laban sa mga sibilyan ng Israel. Noon lamang Abril ay 40 rockets ang pinawalan ng Hamas terrorist organization sa Israel. Nagdulot ng maraming sunog ang pinakawalan nilang incendiary balloon devices mula Gaza na nagresulta sa malawakang pinsala sa kapaligiran at ekonomiya sa buong timugang Israel.

Sa isang insidente ng pamamaril sa Tapuah Junction sa mga unang bahagi ng buwang ito, isang Palestinian terrorist ang nakapatay ng isang 19-anyos na yeshiva student habang dalawa pa ang nasaktan. (ang yeshiva ay isang Jewish educational institution patungkol sa study of traditional religious texts)

Napigil naman ng border police ang tangkang pananaksak sa Hebron at nasawata ang isang malawakang pag-atake nang mailihis nila ang isang mini-bus na may sakay na tatlong armadong terorista patungo sa Salem Junction border police base.

Ang naturang mga pag-atake, kung pagsasamahin, ay nagresulta sa pagkasugat ng halos 70 Israeli civilians sa nakalipas lamang na buwan bago pa ang paglala ng sitwasyon.

Riots: Nagtatagpo ang mararahas na rioters na pinangungunahan ng Hamas terrorist organization at Palestinian Authority sa planadong sagupaan na ang layunin ay magsimula ng karahasan at kaguluhan sa lungsod ng Jerusalem. Ang mga sadyang ginawang flashpoints ay ginamit para magsimula ng sunog.

Bawat pagtatangka ng Israel na pahupain ang tensiyon ay hindi pinapansin, sa halip ay naglalabas ang mga palestino ng isang bagong isyu kapag nawawalan ng saysay ang naisip nilang dahilan para sa kaguluhan.

Paano tinugunan ng Israel ang paglala ng sitwasyon?

Sa nakalipas na ilang linggo, ginawa ng Israel ang lahat ng posibleng hakbang para mapahupa ang sitwasyon. Nang gamiting dahilan ng karahasan ang Jerusalem, hindi na pinayagan ng Israel na makapasok ang mga Hudyo sa Temple Mount/Haram al-Sharif at binago ang ruta ng Jerusalem Day Flag March bago ito tuluyang kinansela dahil sa rocket fire, habang hindi na muna itinuloy ng Korte Suprema ang isang pagdinig sa korte sa isyu ng Shiek Jarrah. Bawat isa sa mga naturang hakbang ay ginawa upang mapigilan ang karahasan at mapanumbalik ang katahimikan.

Tinugon naman ito ng Hamas ng dagdag na mga karahasan, panghihimok at rocket attacks.

(Photo by Sebastian Scheiner / POOL / AFP)

Gaano karami ang mga unang pinakawalang rockets ng Palestine mula sa Gaza?

Noong May 10, 2021, nasa 1,500 rockets ang pinakawalan sa unang 24 na oras, pito rito itinutok sa Jerusalem. Simula noon, higit apat na libong rockets ang pinakawalan sa Israel (hanggang May 19, 2021).

Ang mga rockets na pinapakawalan ng Hamas at Palestinian Islamic Jihad ay sinasadyang ituon sa mga pangunahing lugar sa metropolis sa buong Israel na ang layunin ay saktan at patayin ang maraming sibilyan sa Israel. Ang sunod-sunod na rocket attacks ay pumatay na ng ilang Israeli civilians at maraming iba pa ang nasaktan.

Ang Israel ba ang dapat sisihin sa paglala ng karahasan?

Hindi. Ito ay maling paratang. Laging gumagawa ang Israel ng posibleng mga hakbang para mapigilan ang paglala ng karahasan at kaguluhan, at matiyak ang kalayaan ng mga pagsamba.

Bukas pa rin ba sa mga bisita ang holy sites sa Jerusalem?

Ang Israel ay isang pluralistic democracy at ginagarantiyahan nito ang kalayaan ng relihiyon at pagsamba para sa lahat ng mga mamamayan at mga bisita.

Ang bukod tanging limitasyon ay para sa mga bisitang Hudyo na pupunta sa Temple Mount, ang itinuturing na pinakabanal na dako sa Hudaismo, para mapigilan ang alitan.

Magmula sa reunification ng Jerusalem noong 1967, iningatan na ng Israel ang kalayaan ng pagsamba ng lahat ng relihiyon sa siyudad at pinangalagaan ang mabilis na pag-unlad ng ekonomiya, demograpiya at kultura. Patuloy na paninindigan ng Israel ang kalayaan ng pagsamba para sa lahat.

Ano ang Hamas?

Ang Hamas ay isang Islamist terrorist organization na ang pinal na layunin ay lubusang lipulin ang estado ng Israel at magtatag ng isang caliphate o lugar na pinamumunuan ng isang caliph o chief Muslim ruler.

Ang Hamas Charter, manifesto ng organisasyon, ay isang antisemitic document na nananawagan para pumatay ng mga Hudyo batay lamang sa kanilang relihiyon. Ang Hamas ay pandaigdigang kinikilala bilang isang samahang terorista mula pa noong 1993 sa Estados Unidos, na sinundan na rin ng marami pang mga bansa, kabilang ang Canada, at European Union.

Ang Gaza Strip ay nakontrol ng Hamas sa isang marahas na military coup noong 2007, na naging sanhi ng pagkamatay ng daan-daang Palestinians. Umaasa ito na makontrol din ang West Bank sa pamamagitan ng Palestinian elections ngayong taon, na tuluyan nang ipinagpaliban ng Palestinian Authority.

Ang Hamas ang responsable sa pagkamatay at injury ng libu-libong Israeli at Palestinian civilians. Sinasadya nilang puntiryahin ang civilian population centers sa buong Israel sa pamamagitan ng rockets mula sa civilian areas sa Gaza at itinatago ang kanilang mga pinuno, maging ang terrorists at military facilities. Ito ay isang double war crime dahil hindi lamang sila walang habas na nagpapakawala ng rockets sa mga sibilyang Israeli, kundi ginagawa nila ito sa mga lugar na maraming naninirahang Palestinian civilians.

Si Shiek Jarrah nga ba ang dahilan ng kasalukuyang paglala ng karahasan?

Ito ay isang maling pag-aangkin na hindi mapatutunayan sa pagsisiyasat. Ang isyu ng Shiek Jarrah ay isang hindi pagkakasundo sa real estate sa pagitan ng mga pribadong partido, kung saan ang estado ng Israel ay hindi isa sa partido. Ang legal na usaping ito ay sumailalim na sa deliberasyon sa iba’t-ibang korte na nagpasya, na ang kasalukuyang mga nangungupahan ay walang karapatan sa pinagtatalunang pag-aari at deka-dekada nang lumalabag sa kanilang tungkulin bilang umuupa. Gayunman, ang isyu ay naka-pending ngayon sa Korte Suprema ng Israel, na nagpasyang i-delay ang iskedyul ng pagdinig sa korte para maiwasan ang karahasan at mapahupa ang tensiyon.

Ang pribadong legal na usapin na kinasasangkutan ng apat na pamilya ay sinamantala para papag-alabin ang mga damdamin at atakihin ang Israel. Ang pag-uugnay sa isyu ng Sheikh Jarrah sa mga pag-atake at pagpapakawala ng rockets ng Hamas ay naglalaro lamang sa mga kamay ng teroristang organisasyon.

Mapagtitiwalaan ba ang mga ulat mula sa Gaza?


Kabaligtaran ng Israel, na isang malakas na demokrasya na rumerespeto sa kalayaan ng mga mamamahayag, ang Gaza ay pinamumunuan ng isang terrorist organization na naglilimita sa saklaw ng mga mamamahayag. Bukod dito, kinokontrol ng Hamas ang mga ahensiya ng gobyerno na nagsusuplay ng pangunahing impormasyon, gaya ng Ministry of Health, at hindi nag-aalangan na palsipikahin ang data kapag tumutugon ito sa kanilang layunin.

Ang Hamas ay may mahabang kasaysayan ng maling paglalarawan at maging ang pamemeke ng mga katotohanan. Sa mga nagdaang labanan, nagbigay ito ng bilang ng mga nasawing sibilyan na kalaunan ay napatunayang kinabibilangan ng malaking bilang ng mga terorista at iba pang mga mandirigma. Ipinapakita nito ang mga sibilyan na ginagamit na panangga bilang biktima ng pagsalakay ng Israel. Gayundin, ang pagkasawi ng mga Palestino na napatay ng mga pinakawalan nilang rockets, na hindi umabot sa Israel at sa Gaza rin bumabagsak, ay isinisisi rin sa Israel.

Ano ang papel na maaaring gampanan ng International Community?

May mahalagang papel na maaaring gampanan ang international community upang matapos na ang kasalukuyang krisis, at para mapigilan ang maaaring maging krisis sa hinaharap.

Ang una at pangunahing magagawa ay ang ipabatid sa Hamas na ang terorismo ay hindi hahayaan, at lalong hindi gagantimpalaan. Hanggat naniniwala ang internationally-recognized terrorist organization na may mapapala sila mula sa karahasan, ay patuloy silang magpapakawala ng mga rocket sa mga bayan at siyudad, na magtutulak sa Israel na gumanti.

Ang Patibong ng Hamas: Ang Hamas ay may matagal nang kasaysayan ng paglikha ng katulad na senaryo. Lilikha ito ng isang sitwasyon kung saan walang pagpipilian ang Israel kundi gumanti, na sadya namang magsasapanganib sa mga sibilyan sa Gaza at mga imprastraktura rito, habang itinuturing nilang tagumpay ang mga naging biktima. Napakahalaga para sa lahat na huwag mahulog sa patibong na ito ng Hamas.

Ang lider ng mga bansang sumusuporta sa laban ng Israel laban sa terorismo ay may simpatiya pa rin sa mga Palestino sa Gaza Strip.

Subalit kinikilala nila ang realidad ng sitwasyon na pinasimulan ng Hamas ang labanan nang walang pakialam sa buhay ng mga sibilyan sa magkabilang panig at sa pag-asang masasamantala nila ang ang mga naghihirap na Palestino na bawiin ang pagiging lehitimo ng estado ng Israel.

Ang pinakamabilis na paraan upang pagaanin ang pagdurusa ng magkabilang panig ay ang pagtukoy sa mga responsable ng pagsisimula at pagpapatuloy ng karahasan, kasabay ng pagtutol sa gustong mangyari ng Hamas .

Ang Hamas, tulad ng marami pang organisasyong terorista, ay naghahangad na mapahina ang pagiging lehitimo ng mga bansang demokratiko na kumikilos bilang pagtatanggol sa sarili. Hindi dapat pinapayagan ang mga gawain nito.

Hindi rin dapat tingnan ang isang teroristang grupo na naghahasik ng kaguluhan, bilang kapantay ng isang estado na nagbibigay proteksiyon sa kanyang mga mamamayan, dahil ang ganitong pananaw ay hindi lamang morally offensive kundi makapagpapalakas pa ng loob sa mga terorista upang magsagawa ng mga pag-atake sa hinaharap.


Please follow and like us: