Bakit Na-Hook ang Pinoy sa K-Drama?

Isa ba tayo sa dati na hindi makarelate kapag napag-uusapan ang K-drama? Yung tipong dedma lang pag nakarinig ng korean words na  “anyeong at saranghae.” Ngunit dahil sa pandemya nabigyan natin ng panahon ngayon ang panonood ng Korean drama.

Paraan na rin para makapagbonding ang pamilya. Teka, paano nga ba nagsimula ang pagkahilig natin sa foreign drama?

Dekada nobenta nang nagsimulang i-conquer ng spanish novela tulad ng Marimar/Maria Mercedes at Rosalinda na pinagbidahan ng Mexican superstar na si Thalia ang Pinoy viewers.

Early 2000 naman ng pakiligin, paibigin tayo ng Taiwanese drama na Meteor Garden tampok ang Taiwanese heartthrobs na F4. At ngayon, marami ang nahuhumaling sa Korean drama.

Pero bakit nga ba na-hook ang mga Pinoy sa KDRAMA?

Ipinaliwanag ni Prof. Oliver John C. Quintana, Director, Korean Studies Program ng Ateneo de Manila University na base sa ilang pag-aaral ang mga dahilan ay ang mga sumusunod:

Una, ang mataas na pagpapahalaga nito sa pagkakaroon ng “harmonious relationship” o mabuting ugnayan/relasyon sa loob ng pamilya at ibang personal na relasyon – ang mga ito ay napakahalaga para sa ating mga Pinoy. Kaya napakadali magsympathize with the plot and characters.

Pangalawa, pagkakaroon ng unibersal na tema na madaling maunawaan ng lahat ang ipinapakita ng mga kuwento, may napupulot din tayong mga leksiyon o aral mula sa panonood ng mga Kdrama.  Ipinapakita na hindi madali ang buhay: ang kumplikasyon ng relasyon, ang values ng pagkakaroon ng pangarap at pagpupursige na makamtam ang tapat na pag-ibig. Ang paghahanap sa purpose in life.

Ikatlo, binabasag o hinahamon ng Kdrama ang ilan sa mga stereotype sa isang tradisyunal na lipunan. Sa Kdrama, empowered ang kababaihan – sila ay independent, at hindi nagpapakahon sa expectations ng lipunan. Buo ang pagpapakita sa katauhan ng  characters. At ang maganda rito, mayaman ka man o naghihikahos sa buhay, nakaka-connect ka sa mga tauhan sa kuwento dahil ang ipinapakita ay universal human values – mga bagay na ating pinagsasaluan bilang tao.

Dagdag pa niya, maituturing na beneficial ang panonood ng mga foreign na pelikula o drama series dahil sa pinalalawak nito ang ating kaalaman tungkol sa iba’t ibang mga kultura at lipunan, kasaysayan, values system. Binubuksan nito ang maraming pinto upang mas maunawaan ang mundo. 

Nagsisilbi rin itong point of reflection para sa marami. Nahihimok tayong tingnan ang sarili nating kultura at lipunan, at magtanong: Paano tayo naiiba mula sa kanila? Ano ang pareho nating pinaniniwalaan? Ano nga ba ang kapuri-puri sa atin bilang isang bayan? Sa anong aspeto tayo dapat mag-improve? Paano tayo maaaring matuto mula sa ibang kultura? Ano ang maaari nating gayahin mula sa kanila? Ano naman ang maaari nilang matutuhan sa atin?

At sa panahon ng pandemya, nakapagbibigay ito ng kasiyahan sa mga manonood, source of entertainment, nagsisilbing stress reliever (at siguro ay distraction na rin) dahil ibinabaling nito ang ating atensiyon sa magagandang aspeto ng buhay: pag-asa, pag-ibig at pangarap.

Nagsisilbi itong therapy para sa mga nalulungkot, lalo na ang mga umiibig, mas nai-inspire na hindi pa huli ang lahat.

Para sa mga kabataan sinasalamin ng Kdrama ang isang modernong pagtingin sa buhay – sa pagbasag ng kinaugaliang gender roles, sa papel ng edukasyon sa lipunan, sa pagtutulay at mas madalas/malalim na interaksiyon ng iba’t ibang level ng social class.

Mahalaga ito ngayon sa panahon ng pandemya kung saan dapat ay manatili tayong positibo ang pananaw sa buhay at kakayanin nating malagpasan ang mga pagsubok.  

Kamsahamnida!

Please follow and like us: