Bakuna kontra COVID-19 ikinakasa na ng LGU ng Tarlac City
Sa bisa ng Executive Order No.002, Series of 2021, ay binuo na ni Tarlac City Mayor Cristy Angeles ang Technical Working Group (TWG), para sa programang tinawag na “Anghel Bakuna Laban sa COVID-19.”
Ito’y bilang paghahanda sa pagbibigay ng bakuna sa mga residente ng Tarlac City.
Ayon sa Punong Lungsod ng Tarlac City, hinihintay na lamang nila ang guidelines sa pagbili ng vaccine at iba pang mga panuntunan mula sa Dept. Of Health, Commission on Audit, at COVID-19 Inter Agency Task Force On Emerging Infectious Diseases.
Babalangkasin din ang mga plano at hakbang para sa mass vaccination sa mga darating na araw.
Ilulunsad din ang Electronic Immunization Registry, sa pamamagitan ng QR Code system at Web-Based program, kung saan maaaring magparehistro ang mga boluntaryong magpapabakuna, nang walang pag-aalinlangan.
Pinasimulan na rin ng Punong Lungsod ang training ng mga otorisadong magbibigay ng bakuna.
Tinalakay sa pagpupulong ng TWG, ang mga kakailanganin sa nasabing vaccination tulad ng transportation, storage, distribution, assessment at monitoring.
Kasama sa pagpupulong sina Dra Carmela Go-City Health Officer, Atty Numer Lobo-City Administrator, Roland Domingo-City Accountant, Romeo De Leon-City Budget Officer at iba pang department heads.
Samantala, patuloy ang paalala ng mga kinauukulan sa publiko na laging sumunod sa health at safety protocols, upang hindi mahawa o makahawa ng COVID-19.
Ulat ni Heighly Pineda