Bakuna na nag-expire at itinapon na,paiimbestigahan ng Senado
Nais paimbestigahan ng mga Senador ang mga bakuna laban sa COVID-19 na nag expire at itinapon na .
Naghain na si Senador Risa Hontiveros ng resolusyon para ipabusisi sa Committee on Health kung saan nagkulang ang pamahalaan mula sa pagbili ng bakuna hanggang sa pag roll-out.
Nanghihinayang ang Senador na nasayang ang mga bakuna na tinatayang nagkakahalaga ng halos 13 billion pesos.
Sang -ayon si Senador Cynthia Villar na imbestigahan ang isyu.
Kailangan aniyang tingnan kung nasobrahan sa projection ng demand.
Aminado naman ang Senador na kahit sa kanilang sariling kumpanya, may mga nasayang ring bakuna.
Nanghihinayang rin si Senador Nancy Binay sa bilyon bilyong pisong ginastos sa pagbili ng bakuna.
Ayon kay Binay, sa halip na nakatulong sana para bigyan ng karagdagang proteksyon ang publiko, tila nauwi ito sa wala.
Mungkahi naman ni Senador Imee Marcos, ipamahagi na ang mga bakuna sa mga pribadong sektor.
Ayon sa Senador, sa datos ng DOH halos 20 percent pa lang ng populasyon ang may booster shot kaya dapat madaliin na ang pagbabakuna.
Pagtiyak naman ni Senador Bong Go na Chairman ng Committee on Health, agad silang magtatakda ng pagdinig hinggil dito.
Dismayado ang Senador dahil nangutang ang gobyerno para makabili ng bakuna pero nasayang.
Bukod sa mga nasayang na bakuna, aalamin aniya ng Senado ang isyu ng paghahanda laban sa monkeypox.
Meanne Corvera