Bakunahan kontra Covid-19 sa bansa, muling tumaas
Matapos ang election season, muling tumaas ang bakunahan kontra COVID- 19 sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center (NVOC), sa ngayon ay nasa 200,000 na aniya ang bakunang naitururok kada araw na mas mataas sa halos 100,000 bago at noong eleksyon.
Umabot na rin aniya sa 69.1 milyon ang fully vaccinated sa bansa o katumbas ng 76.87% ng populasyon.
Maging sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na isa sa may mababang vaccination coverage, unti-unti na rin aniyang tumataas ang bakunahan.
Kaya naman kumpiyansa si Cabotaje na kayang maabot ang target na 77 milyong fully vaccinated sa bansa hanggang bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Madz Moratillo