Bakunahan sa Lungsod ng Maynila, gagawing 24/7
Inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na gagawin nang 24/7 ang pagbabakuna kontra Covid-19 sa lungsod.
Ayon kay Mayor Isko, layon nitong mas mapabilis ang pagbabakuna sa lungsod upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.
Pero upang maisakatuparan ito, kailangan aniya nila ng tulong.
Kaya naman nanawagan ang alkalde sa mga lisensyadong medical professional na puwedeng magbakuna na magboluntaryo sa nasabing aktibidad.
Ang mga ito aniya ang magdu-duty sa gabi para palitan ang mga medical frontliner na duty naman sa araw.
Maliban naman sa healthcare worker, naghahanap rin ang Manila LGU ng mga college graduate o nag-aaral sa kolehiyo na may sapat na kaalaman sa paggamit ng computer at puwedeng mag- volunteer bilang encoder sa vaccination program sa lungsod.
Para sa mga nagnanais na mag-volunteer sa 24/7 vaccination ng Maynila, maaaring mag-text o tumawag sa:
0995-106-9524 (Globe) at
0960-604-0771 (Smart)
Ayon sa Department of Health, kahit magsimula pa ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine ay tuloy pa rin ang bakunahan kontra Covid-19.
Pero paalala ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, bawal ang walk-in.
Hinikayat rin nito ang mga LGU na maglaan ng masasakyan para sa mga residente na magpapabakuna dahil tiyak mahirap ang transportasyon sa panahon ng lockdown.
Umapila rin ang DOH sa mga LGU na kahit hindi nila residente basta pasok na sa priority group ay bakunahan pa rin.
Madz Moratillo