Bala ng isa sa tatlong pulis tumugma sa bala na nakuha sa katawan ni Kian delos Santos
Itinanggi ng Caloocan PNP na si Kian Lloyd delos Santos ang nasa kumalat na CCTV footage kung saan kinakaladkad ito ng mga pulis at ilang minuto pa lamang ay nakitang patay sa Caloocan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kinumpirma nina Police Officer 1 Jerwin Cruz at Jeremias Pereda na sila ang nasa CCTV footage pero hindi si Kian kundi asset ang kanilang bitbit.
Sina Pereda at Cruz ang dalawa sa tatlong pulis na nasa ilalim ngayon ng restrictive custody ng PNP dahil sa pagpatay kay delos Santos.
Ayon sa dalawa, itinago nila ang mukha ng asset dahil ayaw nitong makilala na may kasama siyang pulis at sa pangambang masunog ang kanilang operasyon.
Ayon kay Chief Inspector Amor Cerillo, Commander ng Police Community Precint, batay sa ballistics test, tumugma ang bala na nakuha sa katawan ni Kian sa bala ng baril ni Oares.
Gayunman, wala silang nakuhang matibay na ebidensya na mag-uugnay kay Kian sa operasyon o bentahan ng iligal na droga.
Paliwanag ng Caloocan PNP, nalaman lang nila sa social media na dawit si Kian sa pagbebenta ng droga.
Pati ang narekober na cellphone ng biktima, walang anumang mensahe na magpapatunay na isa itong drug courier.
Ulat ni: Mean Corvera