Balanseng pondo na ipinangako ni Pangulong Duterte para tulungan ang mga biktima ng Bagyong odette, huhugutin pa sa 2022 National budget – Malakanyang
Kukunin sa 2022 national budget ang balanseng 6 na bilyong piso sa 10 bilyong pisong pondo na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte para ayudahan ang mga naging biktima ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Ito ang inihayag ni Acting Budget Secretary Tina Rosemarie Canda sa virtual Laging Handa briefing sa Malakanyang.
Ayon kay Canda sa sandaling mapirmahan ni Pangulong Duterte ang 2022 national budget na nagkakahalaga ng 5.024 trilyong piso agad na maipapalabas ang 6 bilyong pisong calamity fund upang mabuo ang 10 bilyong pisong pondo na ipinangako ni Pangulong Duterte para matulungan ang mga pininsala ng bagyong Odette.
Sinabi ni Canda na 4 na bilyong piso lamang ang available na pondo sa 2021 national budget na siyang ginagamit na ngayon ng pamahalaan para matulungan ang mga lugar sa Visayas at Mindanao na winasak ng nagdaang kalamidad.
Niliwanag ni Canda 2 bilyong piso ay mula sa presidential contingency funds at 2 bilyong piso ay mula sa calamity funds na nakapaloob sa 2021 national budget.
Vic Somintac