Balik Probinsiya program para sa mga locally stranded individuals, ipagpapatuloy ngayong nasa GCQ ang Metro Manila
Balik na ang pagpapauwi sa mga Locally Stranded Individuals o LSI dahil nasa General Community Quarantine na muli ang Metro Manila.
Ayon kay Hatid Tulong Program Lead Convenor at Presidential Management Staff Assistant Secretary Joseph Encabo magkakaroon muli ng send off sa mga LSI.
Sinabi ni Encabo na nakipag ugnayan narin sila sa mga Local Government Units o LGUS sa Eastern Visayas, Davao, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao para sa nakatakdang pocket send-off.
Inihayag ni Encabo naasa 400 LSI ang unang makikinabang sa muling pagbabalik ng programang Hatid Tulong.
Umaasa si Encabo na hindi na magkakaroon ng problema sa pagpapauwi sa mga LSI dahil wala nang isasagawang malawakang send off kundi by batch na lamang para mahigpit na masunod ang social distancing.
Niliwanag ni Encabo na sasailalim ang mga papauwiing LSI sa Rapid test upang matiyak na Covid-19 free ang mga ito.
Inihayag ni Encabo na nasa receiving LGUS pa rin ang desisyon kung muling isasalang sa testing at 14 day quarantine period ang mga uuwing LSI.
Ulat ni Vic Somintac