Bangayan ng 2 paksyon ng PDP-Laban, sinusuri na ng Comelec; Kung sino ang lehitimong partido, posibleng desisyunan na
Sinusuri na ng Commission on Elections ang bangayan sa dalawang paksyon ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP-Laban).
Ayon kay Atty. Melvin Matibag, Secretary-General ng partido, dumalo sila kahapon ni Energy at PDP-Laban President Alfonso Cusi sa pagdinig ng Comelec kahapon kung saan nakaharap nila si Senador Aquilino “Koko” Pimentel na tumatayong chairman naman ng kabilang grupo.
Sabi ni Matibag, binigyan sila at ang kampo ni Pimentel ng 10 araw o hanggang October 25 para magsumite ng kanilang memorandum o summary ng mga argumento at ebidensya na magpapatunay na sila ang lehitimong partido.
Tumuon aniya sa isyu ng jurisdiction ang pagdinig ng Comelec kahapon.
Dito tinalakay kung Comelec en Banc nga ba o dapat isang dibisyon ng Comelec ang dapat na duminig ng kaso.
Bukod pa rito ang kuwestyon kung may kapangyarihan nga ba si Pangulong Duterte bilang Chairman ng partido na atasan si Cusi na magpatawag ng national council meeting.
Ang isyu ng pagpapatawag ng national council meeting ang isa sa naging ugat ng bangayan ng dalawang paksyon.
Magugunitang umalma ang grupo ni Pimentel dahil batay sa kanilang Konstitusyon, si Pangulong Duterte bilang chairman at Senador Manny Pacquiao na noo’y Pangulo ng partido ang dapat na umaksyon sa anumang girian at may kapangyarihang magpatawag ng meeting.
Dahil dito, pinatalsik ng grupo nina Pacquiao at Pimentel sina Cusi at Matibag pero nagpatawag ng meeting ang paksyon ni Cusi at pinatalsik rin sa partido sina Pimentel at Pacquiao.
Ito rin ang pinagbatayan nila sa paghahain ng petisyon sa Comelec na ideklarang illegitimate ang paskyon ni Pacquaio.
Kumpiyansa ang kampo nina Matibag na makakakuha naman ang paborableng desisyon sa Comelec.
Samantala,tiniyak ni Matibag na hindi na sila naghihintay ng substitute sa kanilang mga kandidato at tuloy na ang pagtakbo nina Senador Ronald dela Rosa at Christopher Bong Go.
Desidido aniya silang itulak ang kandidatura ng kanilang mga pambato at naniniwala silang sina Dela Rosa at Go ang makapagpapatuloy ng mga programa ni Pangulong Duterte.
Katunayan, walang anumang ongoing talks ang partido kay Davao Mayor Sarah Duterte na siyang pinalulutang ng kanilang mga kritiko para pumalit umano kay dela Rosa.
Meanne Corvera