Bangkay ng ikapitong biktima ng mudslide sa Norway, natagpuan na
OSLO, Norway (AFP) — Natagpuan na ng rescue workers ang bangkay ng ikapitong biktima sa nangyaring mudslide na tumabon sa isang village malapit sa kapitolyo ng Norway, kung saan kabilang sa nasawi ay ang dalawang taong gulang na batang babae at kanyang ama.
Nangyari ang trahedya noong Miyerkoles nang mawasak at matabunan ang mga bahay bunsod ng nangyaring mudslide sa village ng Ask, 25 kilometro o 15 milya sa hilagang-silangan ng Oslo.
Sinabi ni police spokesman Bjorn Christian Willersrud, na umaasa silang makakakita pa ng mga nakaligtas sa landslide zone. Aniya tuloy pa rin ang kanilang rescue operations.
Ayon sa pulisya, ang nasabing katawan ay natagpuan malapit sa kung saan din nakita ang dalawang iba pang bangkay, subalit wala nang ibinigay na iba pang detalye.
Ang limang pangkat ng rescue workers na may kasamang sniffer dogs, helicopters at drones, ay nakakita na ng tatlong bangkay nitong Linggo, isa noong Sabado at tatlo noong Biyernes.
Lima sa narecover na mga biktima ay nakilala na, kabilang ang isang babae na nasa mga singkwenta anyos na ang edad, 29-anyos nitong anak na lalaki, isang 40-anyos na lalaki at ang dalawang taong gulang niyang anak na babae.
Ang unang biktimang nakita noong January 1, ay isang 31-anyos na lalaki.
Isinapubliko na rin ng pulisya ang pangalan ng lahat ng 10 katao, kabilang na ang dalawang taong gulang at isang trese anyos na nawawala noong Miyerkoles.
Sampu katao rin ang nasaktan sa landslide, kabilang ang isang malubhang nasaktan na inilipat sa Oslo para gamutin.
Halos 1,000 katao mula sa 5,000 populasyon ng bayan ang inilikas, bunsod ng pangamba sa kaligtasan ng kanilang tahanan dahil patuloy pa sa paggalaw ang lupa.
Samantala, ipinagbawal ng mga awtoridad ang lahat ng aircraft sa disaster area hanggang alas-3:00 ngayong hapon dahil nagsasagawa pa sila ng aerial searches.
Ang limang pangkat na hinahanap din ang alagang mga hayop ng mga pamilyang naapektuhan ng landsluide, ay naghukay sa lupa para ma-evacuate ang casualties.
Sa rekomendasyon naman ng Norwegian Water Resources and Energy Directorate (NVE), nagpasya ang mga awtoridad na payagan na ang ilang residente na umuwi sa kanilang tahanan.
© Agence France-Presse