Bangko Sentral ng Pilipinas nagbabala laban sa auto loans modus
Pinag-iingat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko laban sa modus ng mga carnapping syndicates na “Pasalo-Benta Scheme.”
Ayon sa BSP, tinatarget ng mga nasa likod ng ‘pasalo scheme’ o ‘assume balance’ ang mga vulnerable car buyers na umaasang makatipid sa kanilang pagbili ng sasakyan at ang mga sellers na kailangang ilipat ang kanilang liabilities.
Sa ilalim ng nasabing modus, bibili ng sasakyan ang miyembro ng sindikato mula sa seller na may kasunduan na i-assume ang bayad para sa auto loan.
Pero, ang sindikato ay walang intensyon na bayaran ang nalalabing amortization.
Ibibenta naman ng sindikato ang sasakyan sa end-buyer upang kumita gamit ang mga palsipikadong dokumento kaya ang end-buyer ay walang karapatan sa behikulo.
Bilang resulta, ang original seller ay magdi-default sa autoloan at mari-repossessed ang sasakyan at walang makukuha ang end-buyer.
Una nang inabisuhan ng central bank ang mga BSP-Supervised Financial Institutions (BSFIs) na pigilan ang mga nasabing krimen sa pamamagitan ng pagsasagawa ng customer identification at verification procedures.
Pinayuhan din ng BSP ang mga BSFIs na mahigpit na ipatupad at palakasin ang implementasyon ng Anti-Money Laundering regulations.
Partikular ang customer identification at verification procedures, ongoing monitoring ng customers at kanilang transaksyon, suspicious transaction reporting, at patuloy na AML training program.
Pinaalalahanan din ang BSFIs na maghain ng suspicious transaction reports kung kinakailangan.
Moira Encina