Banta ng terorismo, hindi palulusutin ng PNP ngayong holiday break

Gustong makatiyak ng Philippine National Police na hindi makalulusot ngayong panahon ng semana santa ng mga katoliko ang banta ng terorismo.


Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni NCRPO Spokesperson, Police Supt Kim Molitas na bagaman abala ang mga otoridad para sa holiday break, hindi rin naman sila nagpapaka kampante sa target hardening measures.


Nilinaw ni Molitas na wala naman silang natatanggap na anumang banta ng terorismo sa Metro Manila, nais lamang nilang mapangalagaan nang maigi ang kaligtasan ng publiko.

Kaugnay nito, sinabi ni Molitas na sa pangkabuuang bilang ng mga pulis, mahigit 11 libo sa kanilang pwersa ang nakakalat sa buong NCR.

Kasama rito ang mga unipormado at hindi unipormadong mga tauhan na nagsasagawa ng covert operations and monitoring, intelligence gathering at pakikipag ugnayan sa iba pang ahensiya ng gobyerno.

Ayon kay Molitas, karamihan sa mga naka deploy nilang mga tauhan ay makikita sa mga terminal ng bus, pantalan, paliparan, simbahan, pamosong mga tourist spots at beaches at iba pang puntahan ng publiko ngayong bakasyon


Katuwang din aniya nila ang joint task force NCR ng Armed Forces of the Philippines o tinatayang 400 mga sundalo at panibagong 400 pang ibang pwersa bilang augmentation force.

Mayroon din aniyang 25 libong force multipliers kasama rito ang mga barangay tanod, 9 na libong blue guards at mahigit 1 libong miembro ng Department of Health at, Red Cross na silang nakatutok sa kalagayang pangkalusugan ng mga bumibiyahe nating kababayan.

Ulat ni Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *