Banta sa seguridad sa Metro Manila, pinawi ng PNP kasunod ng pagkakaaresto sa 2 ASG member sa Taguig
Pinawi ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang pangamba sa anumang banta sa terorismo sa Metro Manila matapos ang pagkakadakip sa dalawang pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Taguig City.
July 10 nang maaresto ng pinagsamang puwersa ng National Capital Region Police Office, Southern Police District, Taguig City Police, at Joint Task Force NCR sina Taupik Galbun alyas “Pa Wahid,” at Saik Galbun alyas “Pa Tanda” sa operasyon sa Sitio Imelda, Upper Bicutan, Taguig City.
Si Pa Wahid na miyembro ng ASG sa ilalim ng pamumuno ng napatay na si Isnilon Hapilon at Radulan Sahiron ay may standing arrest warrants para sa 6 counts ng Kidnapping at Serious Illegal Detention with Ransom at kabahagi din siya sa pagpugot sa ulo ng 3 katao at pagdukot sa 3 mga guro sa Zamboanga city at 6 na miyembro ng isang religious group sa Patikul, Sulu.
Habang si Pa Tanda naman ay kasama sa pagdukot sa 6 na Jehova’s Witness members at may arrest warrant para sa kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention with Ransom.
Ayon kay Eleazar, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa 2 miyembro at inaalam pa kung ano ang dahilan kung bakit sila naririto sa Metro Manila.
Nananatili naman aniyang nakaalerto ang PNP upang masiguro ang kapayapaan sa Kamaynilaan.
Hinimok ni Eleazar ang publiko na ipagbigay-alam kaagad sa pulisya kung may napansing kahina-hinala o may makuhang mga impormasyon sa posibleng presensiya ng teroristang grupo sa kanilang lugar.