Bantang rebelyon ni MNLF Chairman Nur Misuari kapag hindi natuloy ang Federalismo, handang labanan ni Pangulong Duterte

 

Tiniyak ng Malakanyang na lalabanan ng gobyerno ang banta ni Moro National Liberation Front o MNLF Chairman Nur Misuari na muli itong mag- aalsa laban sa pamahalaan kapag hindi natuloy ang isinusulong na Federalismo sa bansa.

Kinumpirma ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na harapang sinabi  ni Misuari kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagbabanta ng panibagong rebelyon sa Mindanao noong muling magkita ang dalawa sa Malakanyang.

Sinabi ni Panelo na itinuturing ng Pangulo na paghahayag lamang ng pagkadismaya ang banta ni Missuari dahil hanggang ngayon ay wala pang kasiguruhan kung lulusot ang Federalismo.

Ayon kay Panelo anumang pagbabanta ng giyera ay itinituring ng gobyerno na seryosong banta sa kapayapaan ng bansa.

Inihayag ni Panelo na sinagot ng Pangulo si Misuari na lalabanan ng gobyerno ang anumang uusbong na rebelyon.

Magugunitang nais ni Pangulong Duterte na kausapin si Misuari habang isinusulong ang pinal na usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front o MILF matapos maging batas ang Bangsamoro Organic Law o BOL na nagtatag sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM na nabuo matapos magkaroon ng peace agreement ang MNLF ni Missuari sa gobyerno noong 1995.

 

Ulat ni Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *