:BANTAY SABANG”, binuo para sa seguridad ng Puerto Princesa Underground River
Upang mas lalaung mabantayan ang Sitio Sabang kung saan matatagpuan ang Puerto Princesa Subterranean River national park o PPSRNP, nagkaisa ang business sector na buuin ang Bantay Sabang kasunod ng travel advisory na ipinalabas ng Estados Unidos dahil sa mga umano’y banta ng terorismo.
Ang Bantay Sabang ay kinabibilangan ng mga opisyal ng commnity based sustainable tourism, mga resort at restaurant owners sa lugar katuwang ang Philippine Coastguard, City Police at PNP Maritime.
Ang binuong grupo ay magmamanman, magbantay at tiyakin ang kaligtasan ng mga turistang dumarayo sa parke at mga nasasakupang lugar nito.
Tiniyak ng pamunuan ng PPSRNP na mananatili rin ang presensya ng grupo sa mga lugar na nasasakupan ng parke may banta man o wala sa seguridad ng pasyalan.
Maliban sa Bantay Sabang, may tropa rin ng sundalo na nakaalerto ano mang oras para matiyak ang kapayapaan sa parke at sa ilan pang destinasyon ng mga turista sa lungsod.
Samantala, nagpapatuloy din ang ginagawang pagpapatrolya ng mga awtoridad sa karagatan ng Sabang bilang bahagi ng ipinatutupad na seguridad ng mga ito.