Bar examiners at staff, exempted sa Mandatory Continuing Legal Education
Ginawaran ng exemption ng Korte Suprema sa Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) ang mga Bar examiners at staff sa 2020/2021 Bar Examinations.
Sa notice ng Supreme Court En Banc, sinabi na exempted para sa dalawang compliance period ang mga Bar examiners habang isang compliance period ang mga miyembro ng Office of the Bar Chairperson at iba pang Bar personnel.
Pero, pagkakalooban lamang ng MCLE exemption ang mga Bar staff para sa one compliance period kung aktuwal silang nakaganap ng trabaho sa apat na Bar Sundays.
Batay sa mga alituntunin, obligado ang mga miyembro ng Bar na makakumpleto nang hindi bababa sa 36 credit units ng continuing legal education kada tatlong taon.
Gayunman, maaari silang ma-exempt sa MCLE kung may mabuting dahilan.
Nagpasya ang Korte Suprema na bigyan ng exemption ang mga Bar examiners at staff dahil mangangailangan ng maraming oras ang paghahanda at aktuwal na pagsasagawa ng pagsusulit.
Idaraos ang computerized at localized Bar exams sa Enero at Pebrero ng susunod na taon sa iba’t ibang local testing centers sa bansa.
Moira Encina