Bar exams sa Cebu at iba pang lugar na lubhang sinalanta ng Bagyong Odette, hiniling na ipagpaliban
Nanawagan ang IBP Cebu City Chapter at mga law schools sa Cebu sa Korte Suprema na ipagpaliban ang 2020/2021 Bar Examinations na magsisimula sa Enero 16.
Sa joint resolution, sinabi na tatlo sa local testing sites partikular ang University of Cebu, University of San Carlos, at University of San Jose Recoletos ay nagtamo ng pinsala at nawalan ng suplay ng kuryente, tubig at internet connection.
Ayon pa sa IBP Cebu City at mga law schools, karamihan din sa mga bar examinees sa Cebu, Bohol, Southern Leyte, at iba pang lugar sa Mindanao ay lubhang naapektuhan at nagamit ang resources na para sana sa pagsusulit sa pagsasaayos ng kanilang tirahan.
Apektado rin anila ng kalamidad ang mga volunteers na court personnel at lawyers na magsisilbing proctors sa bar exams.
Binanggit din sa resolusyon na sa katapusan pa ng Enero 2022 maibabalik nang buo ng Visayas Electric Company ang kuryente sa Cebu.
Wala naman katiyakan na maibigay ang mga telecommunication companies kung kailan na ma-fully restored ang kanilang serbisyo at kung ito ay stable sa araw ng eksaminasyon.
Moira Encina