Barangay 183 sa Villamor, Pasay mananatiling nasa ilalim ng localized community quarantine
Muling nagbaba ng memorandum ang Pasay city health office (CHO) sa Brgy. 183 sa Villamor, kaugnay ng ekstensyon o pagpapalawig sa localized community quaratantine sa kanilang lugar.
Batay sa huling datos na inilabas ng CHO, mahigit tatlompu ang active cases sa barangay, habang 839 naman ang kabuuang bilang ng gumaling sa COVID-19.
Nilinaw naman ni kagawad Herman Ocampo, hindi aniya idineklara ng pamahalaang lungsod ng Pasay, na lockdown ang buong Brgy 183 kundi localized community quarantine lamang.
Sinabi pa ng opisyal, na ang nasa ilalim lamang aniya ng mahigpit na restriksyon ay ang isa o higit pa sa isang sambahayan sa isang kalye na sakop ng barangay na mayroong mataas na kaso ng COVID-19.
Panawagan ng opisyal sa mga residente, sundin na lamang ang ipinatutupad na health and safety guidelines gaya ng pag susuot ng face mask, pag iwas sa matataong lugar, pagsusuot ng face shield kung lalabas ng bahay o tutungo sa mga pampublikong pamilihan, social distancing, at iba pang safety protocols na ipinatutupad ng IATF.
Sa bagong resolusyong inilabas ng barangay, nakasaad na kinakailangang gumamit ng QR code ang isang delivery rider, at magregister sa harap ng Barangay Hall..
Kinakailangan ring iprisinta ang medical certificate, katunayang covid-free sila bago makapasok o makapagdeliver sa loob ng barangay.
Malinaw ring nakasaad sa Resolution No. 6, na ang mga installer ng internet ay hindi pinagbabawalang makapasok sa loob ng barrio, bagkus kailangan lamang din na magprisinta ng medical certificate, maging ang job order at ang kanilang company ID.
Sinabi pa ni Ocampo, na nitong mga nakaraang araw ay siyam na Villamor health worker ng barangay ang nabakunahan na ng Sinovac vaccine.
Ulat ni Jimbo Tejano