Barangay Commonwealth sa Quezon City, nagpositibo sa African Swine fever
Kinumpirma ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nagpositibo sa African Swine fever ang Barangay Commonwealth.
Ito’y matapos ang isinagawang pagsusuri sa ilang mga piggery sa nasabing Barangay.
Gayunman, sinabi ni Mayor Belmonte na walang dapat ipag-alala dahil kakaunti lamang ang mga alagaing baboy sa nasabing Barangay na nasa mahigit 100 lamang, batay sa kanilang validation at sa loob aniya ng isang araw ay kaya na itong makontrol ng lokal na pamahalaan.
Bukod sa Barangay Commonwealth, hindi pa rin cleared sa ASF ang Barangay Payatas dahil sa dami ng bilang ng mga alagang baboy doon.
Nauna nang inanunsyo ng pamahalaang panglunsod ng Quezon na na-cleared na sa ASF ang mga Barangay Tatalon, Tandang Sora, Pasong Tamo at Bagong Silangan.
Panawagan ni Belmonte sa lahat ng mga hog raisers sa Barangay Tatalon at Commonwealth na kusa nang isuko o dalhin ang kanilang mga alagang baboy upang sila man ay matulungan ng pamahalaan.
Umaasa rin ang alkalde na matutulungan sila ng Department of Agriculture para maragdagan ang pondo para sa pagsugpo ng nasabing sakit.
“Lahat ng mga hog raisers sa mga Barangay Commonwealth at Payatas, sana ay magdeklara na kayo para matulungan kayo ng pamahalaan”.