Barangay Tanod sa Tondo, Maynila na nakabaril sa isang curfew violator, nahaharap sa kasong pagpatay
Nahaharap sa kasong murder ang isang Barangay Tanod sa Tondo, Maynila na nakabaril at nakapatay sa isang curfew violator na may deperensya sa pag-iisip.
Kasabay nito, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na sa ilalim ng inamyemdahang Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ipinagbabawal sa Police Auxiliary Units (PAU) ang pagdadala ng baril habang naka-duty.
Kabilang sa PAU ang mga Barangay Tanod.
Sinabi ng kalihim na ang maaari lamang dalhin ng mga Tanod ay nightstick, tear gas, handcuff, whistle, flashlight, raincoat, rainboots, maliit na notebook at ballpen at mga first aid kit.
Matatandaang Sabado ng gabi nang mabaril ni Cesar Panlaqui ng Barangay 156 sa Tondo, Maynila ang isang violator na may deperensiya umano sa pag-iisip.
Sabi ni Panlaqui, nabaril niya umano ang biktima upang ipagtanggol ang kaniyang sarili dahil may dala umano itong stick o pamatpat.