‘Barbie’ apat na linggo nang nangunguna sa N.American box office
Muling dinomina ng “Barbie” ng Warner Bros. ang North American box offices sa ika-apat na linggo nang pagpapalabas nito.
Si Greta Gerwig naman na sa pamamagitan ng “Barbie” ay naging unang solo woman director na kumita na ng higit sa $1 billion sa global box office, ay naging highest-grossing woman director of all time in the domestic market naman sa linggong ito ayon sa Hollywood Reporter.
Sa pagtaya ng Industry watcher na Exhibitor Relations, ang kinita nitong weekend ng “Barbie” ay $33.7 million, kaya ang domestic total nito ay $526 million na.
Kasalukuyang nakikipag-agawan si Gerwig kay Jennifer Lee, na nag-co-direct sa animated na sequel ng “Frozen” ng Disney kasama si Chris Buck, upang maging highest-grossing woman director of all time sa global box office.
Pinagbibidahan ni Margot Robbie bilang “Barbie” at Ryan Gosling bilang si Ken, ang pelikula ay kumita na ng tumataginting na $1.2 billion sa buong mundo.
Samantala, nabawi naman ng “Oppenheimer” ng Universal, isang historical drama tungkol sa development ng atomic bomb, ang ikalawang puwesto nito, na kumita ng tinatayang $18.8 million nitong weekend.
Noong isang linggo kasi ay tinalo ang “Oppenheimer” ng monster flick ng Warner Bros. na “Meg 2: The Trench,” na ngayon ay nahulog sa ika-apat na puwesto nitong weekend, matapos kumita ng tinatayang $12.7 million.
Ang tagumpay ng “Barbie” at “Oppenheimer” ay hindi napigilan ng makasaysayang Hollywood double-strike ng mga manunulat at mga artista, na nagbunsod ng paghinto ng mga produksiyon sa pelikula at telebisyon.
Umakyat naman ng isang puwesto at ngayon ay nasa third place na nitong weekend, ang animated flick ng Paramount na “Teenage Mutant Ninja Turtles: Mutant Mayhem,” na kumita ng $15.8 million.
Sa kaniyang debut weekend, ay pumasok sa ika-limang puwesto ang vampire film na “The Last Voyage of the Demeter” mula sa Universal, subalit $6.5 million lamang ang kinita nito.
Ayon sa analyst na si David Gross, “This is a weak opening for a horror film based on a chapter of the legendary Dracula story. With poor reviews and an estimated budget of $45 million, the film is a ‘difficult sell’ under any conditions.”
Nasa pang-anim hanggang pang-sampung puwesto naman ang sumusunod na mga pelikula:
“Haunted Mansion” ($5.6 million)
“Talk to Me” ($5.1 million)
“Sound of Freedom” ($4.8 million)
“Mission: Impossible – Dead Reckoning Part One” ($4.7 million)
“Indiana Jones and the Dial of Destiny” ($900,000)