Barko isinailalim ng Argentina sa quarantine dahil sa hinihinalang kaso ng mpox
Isinailalim sa quarantine ng mga awtoridad sa Argentina ang isang cargo ship sa Parana River malapit sa inland grains port ng Rosario, dahil sa hinihinalang kaso ng monkeypox.
Sinabi ni Fernando Morales, presidente ng industry body na Argentine Naval League, na kukunin na sana ng Liberian-flagged ship ang soy cargo, ngunit inatasan itong mag-angkla muna upang maisagawa ang pagsusuri sa isang crew nito.
Ayon kay Morales na nagsabing hindi pa nakukumpirma ang diagnosis, “A crew member with fever and weakness was taken to a hospital in San Nicolas. There they carried out some tests and they say that in principle it could be mpox.”
Matatandaan na noong isang linggo ay idineklara ng World Health Organizaton (WHO) ang mpox na isang global public health emergency sa ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang taon, nang mapaulat na mabilis na kumakalat sa Africa ang isang bagong variant nito.
Isang araw makalipas nito, isang kaso ng clade 1b variant ang nakumpirma sa Sweden, ang unang senyales ng pagkalat ng sakit sa labas ng Africa.
Ang Mpox, na isang viral infection na nagdudulot ng mga sugat na may nana at mga sintomas na gaya ng sa trangkaso, ay kalimitang banayad lamang ngunit nakamamatay. Ang clade 1b variety ay nagdulot ng pangamba dahil tila mas mabilis itong kumalat at makahawa sa pamamagitan ng routine close contact.
Sinabi ni Morales na binabantayan ng health authorities ang nabanggit na barko at susuriin din ang iba pang mga miyembro ng crew.
Ayon sa data ng WHO noong nakaraang linggo, may 13 mga bansa na mula sa magkabilang panig ng Americas ang nag-ulat ng mpox cases na dulot ng ibang strains ngayong taon. Ang Argentina ay una nang nag-ulat ng walong kaso.
Ang Bavarian Nordic ng Denmark ay nakatakdang magpasya sa linggong ito kung paiigtingin ba ang produksiyon ng bakuna, habang ang Swiss pharmaceutical company naman na Roche ay nagsabing pinaplano nilang palakasin pa ang testing capacity ng kanilang laboratoryo.