Barko ng Pilipinas na magsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal, muling hinarass ng China
Inakusahan ng Philippine Coast Guard ang China Coast Guard ng paggamit na naman ng water cannon sa mga bangkang may dalang supply para sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon sa National Task Force – West Philippine Sea, 7:30 kaninang umaga hinarass na naman ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia Vessels ang supply boats na Unaiza May 1 at ml kalayaan.
Nagsagawa rin ang mga barko ng China ng dangerous maneuver at ang ml kalayaan ginamitan pa ng water canon.
Gumamit rin umano ng rigid hull inflatable boats ang CCG sa loob ng lagoon ng Ayungin Shoal para pigilang makalapit sa BRP Sierra Madre ang resupply boats.
Sa kabila nito, naging matagumpay parin naman ang resupply mission.
Sa panig naman ng Department of Foreign Affairs, ipinarating na nila sa Gobyerno ng China ang protesta sa panibagong harassment na ito ng CCG.
Iginiit rin ng Gobyerno ng Pilipinas na dapat umalis ang Chinese Vessels na ito sa bisinidad ng Ayungin Shoal sa lalong madaling panahon.
Kaugnay nito, binigyang pagkilala ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang katapangan at dedikasiyon sa tungkulin ng mga sundalo ng Navy at AFP kasama na ang PCG na inilalagay ang buhay sa panganib para sa pagseserbisyo sa bayan.
National Task Force – West Philippine Sea o NTF-WPS, hindi mahahadlangan ang Pilipinas sa paggiit sa karapatan nito sa maritime zones ng bansa kabilang ang Ayungin Shoal na bahagi ng Exclusive Economic Zone.
Sa isang pahayag iginiit naman ng ni Gan Yu, tagapagsalita ng China Coast Guard, na ang mga barko ng Pilipinas ang nag trespass sa kanilang territorial water malapit sa near Ren’ai Jiao o Ayungin Shoal.
Iginiit nya na patuloy na ipapatupad ng CCG ang pagsafeguard sa kanilang hurisdiksyon.
Madelyn Villar- Moratillo