BARMM Electoral Code kinuwestiyon sa Korte Suprema
Ipinapadeklarang labag sa Saligang Batas ng 15 petitioners na binubuo ng mga botante, political at civil society leaders ang ilang probisyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Electoral Code (BEC).
Sa mahigit 60- pahinang petisyon na inihain sa pamamagitan nina Atty.Romulo Macalintal, Antonio Carlos Bautista at Christopher Rodriguez, hiniling din na ipawalang-bisa at magpalabas ng status quo ante order at temporary restraining order ang Korte Suprema, sa implementasyon ng Bangsamoro Electoral Code na inisyu ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) at pirmado ni BARMM Interim Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim.
Nais din ng petitioners na magsagawa ng special raffle ang SC sa kaso para agad itong maaksiyunan.
Iginiit ng petitioners na may pagmamalabis o grave abuse of discretion sa panig ng BTA at ni Chief Minister Ahod Ebrahim, sa pagsasabatas ng Bangsamoro Electoral Code na pumapasok na sa gampanin ng COMELEC at ng Korte Suprema.
Ayon sa kanila, lagpas na sa hurisdiksyon ng BTA ang nasabing Election Code na nakaapekto sa interes at kapakanan ng mga residente ng BARMM, mga partido pulitikal at taxpayers
Kinukuwestiyon din nila ang mga probisyon ng BEC tulad ng pagpapalabas ng public funds para sa pangangampanya at partisan political activities.
Nagpahayag naman ng suporta ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Governors Caucus (BGC) na binubuo ng elected governors ng mga lalawigan ng Lanao Del Sur, Maguindanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi sa petisyon na inihain sa SC.
Sinabi ni BGC Spokesman at Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong, Jr., na hindi sila kontra sa pamunuan ng BARMM at nais lamang nilang maitama ang maling hakbang na makaaapekto sa rehiyon.
Moira Encina