Bataan, nagdeklara ng State of Calamity dahil sa ASF
Isinailalim ngayon sa State of Calamity ang probinsiya ng Bataan dahil sa patuloy na paglaganap ng African Swine Fever (ASF).
Ito ay sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan Resolution no.227 na nilagdaan ni Bataan Governor Joet Garcia.
Ayon kay Garcia, mas mabibigyan ng agaran at pangmatagalang solusyon ang nasabing virus, mabibigyan ng assistance at suporta ang mga naapektuhang local hog raiser at mapigilan din ang pagpasok sa Bataan ng mga baboy o karne na infected ng ASF.
Dagdag pa ng Gobernador, maiiwasan din ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at maprotekhan ang 75% na babuyan sa lalawigan na hindi pa apektado ng ASF.
Sa kabila nito, hinikayat ni Garcia ang mga mamimili na huwag mag-panic kasabay ng pagsiguro sa publiko na ligtas ang mga karne ng baboy na mabibili sa merkado.
Ito’y dahil na rin sa lalong pinaigting na inspeksiyon ng Provincial Veterinary Office (PVO) habang ginagawa ng Provincial Government ang lahat ng paraan upang mabigyan ng solusyon ang problema ng ASF.
Sa huling tala ng PVO, mayroon nang 333 na baboy ang nagpositibo sa ASF virus mula sa 17 ng 58 rehistradong backyard hog raisers sa lalawigan.
Kasabay nito, nananawagan din sa publiko ang nasabing ahensiya na itawag sa kanilang tanggapan ang kahina-hinalang kaso ng ASF sa kanilang lugar ( Landline: 613-0409/ cp: 0961-429-0197 ).
Larry Biscocho