Batang lalaki sa India, kayang pailawin ang isang bombilya kapag nadikit sa kaniyang katawan
Naging social media sensation ang siyam na taong gulang na si Abu Thahir matapos mag-viral online ang video kung saan makikita itong pinapa-ilaw ang mga rechargeable led light bulbs, sa pamamagitan lamang ng paghipo sa electrical contacts nito gamit ang kahit na anong bahagi ng kaniyang katawan.
Kamakailan lang nadiskubre ni Thahir na mula sa Muhamma malapit sa Alappuzha, Kerala, India ang kakaiba niyang kakayahan nang makauwi na sila ng kaniyang ama matapos bumili ng isang rechargeable led light bulb.
Ayon sa ama ni Thahir na si Nizar na isang electrician, umilaw sa kamay ng kaniyang anak ang light bulb nang ito ay kaniyang ipasa kay Thahir.
Noong una ay inakala niyang isa lamang iyong prank, pero sa tuwing madidikit ang electrical contact ng bombilya sa alinmang parte ng katawan ni Thahir ay umiilaw ito.
Na-impress naman ng husto ang tiyahin ni Thahir sa kakayahang ito ng kaniyang pamangkin, kaya kinunan niya ito ng video at ipinost sa social media, na agad namang nag-viral.
Gayunman, tanging rechargable led bulbs lang ang kayang pailawin ni Thahir.
==============