Batangas, nakahanda sa magiging sitwasyon ng Bulkang Taal
Tuluy-tuloy ang monitoring na ginagawa ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa sitwasyon ng Bulkang Taal.
Sa panayam kay Joselito Castro, PDRRMO Chief sa Batangas, 14 na bayan sa lalawigan ang maaaring maapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkan.
Ngunit nagpapasalamat aniya sila dahil hindi pa naman gaanong malala ang sitwasyon sa ngayon dahil payapa pa naman ang senaryo sa paligid ng Bulkan.
Gayunman, nakahanda aniya ang lalawigan at nag-commit na rin ang mga alkalde ng natitirang 20 bayan sa lalawigan na magbibigay ng tulong sa mga munisipalidad na naapektuhan.
Ang mga bayan aniya ng Calatagan at Balayan ay naglaan ng mga evacuation centers para sa mga ililikas.
Maliban pa ito sa mga evacuation centers sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo.
Hindi rin aniya naging pahirapan ang paglilikas dahil ang ilang mga residente malapit sa Bulkan ay kusa nang lumilikas.
Sa gitna nito, nagpaalala si Castro sa kaniyang mga evacuees na mag-ingat at maging alerto at sumunod sa ipinaiiral na health protocol sa mga evacuation centers upang hindi mahawa ng Covid-19.
“Paalala natin lagi tayong maging alerto athanda lalu na ngayong may emergency ulit tayo. Lagi nating tatandaan na mayroon pa irn tayong Pandemya at umiwas tayo para hindi mahawa sa virus. Marami tayong titiisin ngayon pero tayo ay sinanay na sa ganitong mga sitwasyon. Lagi tayong uugnay sa mga kinauukulan para sa nararapat na gawin”.Joselito Castro, Batangas PDRRMO Chief