Batas laban sa motorcycle crime lusot na sa Senado
Pinal nang pinagtibay ng Senado ang panukalang batas na mag-oobliga sa mga motorsiklo at scooters na magkaroon ng dalawang malalaking license plates.
21 Senador ang pumabor sa Senate Bill No. 1397 o Motorcycle Crime Prevention Act of 2017.
Layunin nitong matigil na ang matinding krimen dulot ng “riding-in-tandem.
Ayon kay Senador Richard Gordon, may akda ng panukala, base sa datos ng Philippine National Police, umaabot na sa 39, 380 riding in tandem cases ang naitatala mula 2010-2017 at halos 28 porsyento nito o 10,931 ay kaso ng pamamaril.
Inaatasan naman ang Land Transportation Office o LTO na mag isyu ng mas malalaking license plates na kayang basahin sa layong 12 hanggang 15 metro.
Mandato rin ng Bill na obligahin ang LTO na gumawa ng color scheme ng plate numbers depende sa rehiyon upang madaling matukoy kung saan nakarehistro ang motorsiklo.
Ang pagmamaneho ng walang license plate number ay pinagbabawal sa batas at ang lalabag ay maaring makulong ng apat na buwan hanggang dalawang taon o pagmumulta ng di lalagpas sa 100,000 pesos.
UIat ni: Mean Corvera