Batas na nagpaliban sa 2022 BSKE Elections, idineklarang labag sa Saligang Batas ng SC
Labag umano sa Konstitusyon ang Republic Act 11935 o ang batas na naglipat sa iskedyul ng Barangay at Sangguniang Kabataaan Elections sa huling Lunes ng Oktubre ngayong taon mula Disyembre 5, 2022.
Ito ay batay sa ruling ng Supreme Court ( SC ) kaugnay sa mga petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng nasabing batas na nagpaliban sa Barangay at SK polls.
Gayunman, ipinag-utos ng Korte Suprema na ituloy ang halalan sa huling Lunes ng Oktubre ngayong 2023 batay sa operative fact doctrine.
Sinabi ng SC na nilabag ng batas ang karapatan at kalayaan sa pagboto ng mamamayan na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.
Ipinunto pa ng matas na hukuman na walang lehitimong layunin o interes ng gobyerno para suportahan ang batas at ito ay lagpas na sa power to legislate ng Kongreso.
Inihayag pa ng SC na nagkaroon ng grave abuse of discretion sa pagsasabatas ng RA 11935.
Ang layunin din umano ng postponement ng halalan para madagdagan ang pondo ng ehekutibo ay labag sa constitutional prohibition sa alinmang paglipat ng pondo o appropriations.
Kasabay nito, idineklara ng SC na ang susunod na Barangay at SK elections ay dapat idaos sa huling Lunes ng Disyembre 2025 at kada tatlong taon pagkatapos nito.
Inilatag din ng Korte Suprema ang mga panuntunan para sa pagpapaliban ng eleksiyon.
Ang desisyon ay isinulat ni SC Associate Justice Antonio Kho Jr.
Hindi naman binanggit ng SC PIO kung ano ang resulta ng botohan at kung kailan inilabas ang ruling.
Moira Encina