Pagpapalit sa pangalan ng Ninoy Aquino International Airport, idinulog sa Korte Suprema
Hiniling sa Korte Suprema ng isang abogado na ibalik sa dating pangalan nito na Manila International Airport ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Sa petisyon ni Atty Lorenzo Gadon, ipinapadeklara nitong “null and void” at iligal sa Korte Suprema ang RA 6639 o ang batas na nag-pangalan sa international airport ng Pilipinas kay dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Ayon kay Gadon, sa ilalim ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Guidelines, wala dapat na pampublikong lugar na isunod sa pangalan ng isang tao sa loob ng sampung taon nang kamatayan nito maliban sa mga natatanging rason.
Anya pinaslang si Aquino sa tarmac ng nasabing airport noong August 21, 1983 at pinalitan ang pangalan nito na NAIA noong November 1987.
Nalabag anya ang NHCP guidelines dahil apat na taon pa lang noon nang mamatay ang dating senador nang ipangalan sa kanya ang paliparan.
Iginiit pa ni Gadon na hindi natatanging karakter si Aquino at hindi karapat-dapat na tawaging bayani kaya hindi dapat isunod sa pangalan nito ang airport.
Katunayan anya ay hinatulang guilty si Aquino para sa kasong subversion ng Military Commission at sinentensyahan ng kamatayan pero hindi natuloy.
Binanggit pa ni Gadon na dapat ipangalan ang paliparan sa geographical location nito at hindi sa isang tao gaya ng karamihan sa mga airport sa ibang mga bansa.
– Moira Encina