Batas na nagpapaliban sa barangay elections, kinuwestiyon sa Korte Suprema
Nais ng isang election lawyer na ideklara ng Supreme Court na labag sa Saligang Batas at ipawalang-bisa ang batas na nagpapaliban sa barangay elections o Republic Act 11935.
Sa petisyon na inihain ni Atty. Romulo Macalintal, sinabi nito na walang kapangyarihan ang Dalawang Kapulungan ng Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon na mag-postpone ng barangay elections o palawigin ang termino ng panunungkulan ng barangay officials.
Aniya, nasa eksklusibong hurisdiksyon ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapaliban sa halalan sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Ayon pa kay Macalintal, hindi pinapayagan sa Saligang Batas na magtalaga ang Kongreso ng mga halal na opisyal.
Ang karapatan lang aniya ng Kongreso ay magtakda ng panahon ng termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay.
Kaugnay nito, hiniling ng abogado sa SC na rebyuhin ang RA 11935 at habang wala pang resolusyon sa kaso ito ay mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng batas.
Nais din ni Macalintal na atasan ng Korte Suprema na ituloy ang paghahanda para sa barangay elections sa Disyembre.
Respondents sa petisyon ang Comelec at ang Office of the President.
Hindi naman kasama sa kinuwestiyon ang postponement sa Sangguniang Kabataan elections dahil ang SK ay nilikha ng Kongreso.
Sa ilalim ng RA 11935, inilipat sa October 2023 ang barangay at SK elections na dapat sana ay sa Disyembre.
Moira Encina