Batas ukol sa tour of duty ng key AFP officials nilagdaan ni PBBM
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na magpapalakas ng propesyunalismo sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nakapaloob sa nilagdaang batas ang amyenda sa probisyon ukol sa tour of duty at pagtatalaga ng mga pangunahing opisyal ng militar.
Sa ilalim ng Republic Act 11939 o An Act Strengthening Professionalism and Promoting the Continuity of Policies and Modernization Initiatives in the AFP, itinakda na magkakaroon ng maximum tour of duty na dalawang magkasunod na taon ang mga opisyal na humahawak sa pangunahing posisyon sa sandatahan.
Magsisimula ito sa petsa na nalagdaan ang kanilang appointment, maliban na agad i-terminate o putulin ng Presidente.
Kabilang sa mga key positions na ito ang sumusunod:
- Commanding General, Philippine Army (PA);
- Commanding General, Philippine Air Force (PAF);
- Flag Officer in Command, Philippine Navy (PN); at
- Superintendent, Philippine Military Academy (PMA)
Ang nasabing mga opisyal ay hindi na maaring mag-kwalipika sa iba pang posisyon maliban na italaga sila bilang AFP Chief of Staff.
Inamyendahan sa RA 11939 ang probisyon sa Republic Act 11709, na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 2022 na nagtatakda ng 3-year fixed term sa mga pinuno ng Army, Navy at Air Force at 4-na-taon naman sa superintendent ng PMA.
Sa nilagdaang batas ni Pangulong Marcos nitong May 17, 2023, itinakda rin maximum tour of duty ng AFP Chief of Staff sa three consecutive years epektibo sa petsa na lagdaan ang kaniyang appointment, malibang i-terminate ng Presidente.
Samantala, itinakda rin ng batas ang ukol sa compulsory retirement ng mga military personnel.
Masasakop din ng nilagdaang batas ang mga opisyal at enlisted personnel na itinalaga at/o itinaas ang ranggo sa ilalim ng RA no. 11909, at iba pang kaugnay na batas.
Inatasan din ng batas ang Department of National Defense (DND) para bumuo ng kaukulang rules and regulations para sa bagong lagdang batas.
Weng dela Fuente