Batman muling nanguna sa North America box office
Patuloy na nanguna ang “The Batman” nitong weekend, kung saan kumita ito ng tinatayang $36.8 million sa North American theaters, habang malakas din ang kita nito sa ibang bansa.
Ayon sa Exhibitor Relations, ang “dark and gritty” superhero film mula sa Warner Bros., na pinagbibidahan ni Robert Pattinson ay lumampas na sa $300 million mark domestically sa loob lamang ng tatlong linggo, habang halos dumoble naman ang kinita sa ibang bansa na may $598 million.
Nasa ikalawang puwesto para sa Friday-through-Sunday period ang isa pang “dark film,” ang fantasy animation na “Jujutsu Kaisen 0” mula sa Crunchyroll/Funimation (95 percent na pag-aari ng Sony Pictures). Tungkol ito sa kuwento ng isang batang estudyante na gustong maging isang sorcerer at labanan ang isang isinumpang espiritu.
Lubha nang sikat sa Japan, kumita ito ng $17.7 million sa North American theaters, na tinawag ni David A. Gross ng Franchise Entertainment Research na . . . “a terrific opening for a rare anime in wide release.”
Ang ikatlong puwesto ay napunta sa “Uncharted” ng Sony na kumita ng $8 million. Ang papel dito ng bidang si Tom Holland ay isang Indiana Jones-style treasure hunter.
Nasa pang-apat ang isa pang bagong release, isang slasher film mula sa indie studio A24 na may simpleng titulo lamang na “X,” na kumita ng $4.4 million. Bagama’t katamtaman lamang ito, sinabi ni Gross . . . “Horror is not expensive to make and “X,” which has enjoyed good reviews, should recover its costs and make a few dollars.”
At panglima ang Metro Goldwyn Mayer road-trip comedy na “Dog,” na pinagbibidahan ni Channing Tatum. Kumita ito ng $4.1 million.
Narito naman ang kukumpleto sa top 10 (6-10):
“Spider-Man: No Way Home” ($3.2 million)
“Death on the Nile” ($1.7 million)
“The Outfit” ($1.5 million)
“The Kashmir Files” ($1.5 million)
“Sing 2” ($1.5 million)