Bayad sa Bar exam fees, puwede na sa pamamagitan ng online payment
Bukod sa over-the-counter cash deposit sa Land Bank of the Philippines, may opsyon na ang mga aplikante sa Bar exams na magbayad online ng bar application fees.
Ayon sa Korte Suprema, ito ay sa pamamagitan ng Landbank Link.Biz portal at Judiciary ePayment Solutions.
Inilunsad ang Landbank Link.Biz Portal noong Agosto na may payment options gaya ng Landbank/OFBank ATM Accounts, BancNet member-bank ATM/Debit Accounts, Cash Payment Options via Partner Collection Outlets, at PCHC PayGate member-banks.
Ang Judiciary ePayment System naman ng Union Bank Pay (UPay) ay pinapayagan ang payment options tulad ng Union Bank Online Banking Services, PayGate participating banks, Instapay participating banks, at Pesonet participating banks.
Sinabi ng SC na sa hinaharap ay may opsyon na rin ang Bar applicants na magbayad gamit ang Visa at Mastercard debit cards at credit cards.
Inihayag ng Korte Suprema na ang nasabing hakbangin ay alinsunod sa layunin ni Bar Chairperson at Justice Marvic Leonen na mas maging seamless, inclusive, accessible, less costly, environmentally friendly at compliant sa COVID-19 health protocols ng pamahalaan ang bar exams.
Moira Encina