Bayan Muna: Political circus ng mga Duterte para sa 2022 elections, tigilan na
Dapat na umanong tigilan ng kampo ng mga Duterte ang kanilang political show at political circus para sa 2022 elections.
Naniniwala si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na paraan lang ito ng kanilang kampo para ilihis ang tunay na isyu sa palpak na COVID-19 response ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ni Gaite ang pagpapalutang ng PDP-Laban para sa Go-Duterte tandem habang ang Malakanyang naman nag-iingay ng Duterte – Duterte tandem.
Iginiit ng Bayan Muna na anuman ang gawing formula ng mga Duterte para sa 2022 elections ay tiyak na ire-reject ito ng mga Pilipino.
Naniniwala naman si Anakpawis Partylist National President Ariel Casilao na kahit mag-give way si Pangulong Duterte para sa presidential bid ng anak na si Davao City Mayor Sara Duterte ay hindi rin ito kakagatin ng publiko.
Naniniwala si Casilao na ang ganitong plano ay layon lamang mailigtas si Pangulong Duterte sa mga kasong naghihintay sa kanya sa pagbaba sa pwesto.
Madelyn Moratillo