Bayan ng San Juan sa Batangas, isinailalim sa state of calamity dahil sa bagyong Paeng
Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng San Juan sa Batangas, dahil sa pananalasa ng bagyong Paeng nitong weekend.
Sa bisa ng Resolution No. 6, Series of 2022 at Sangguniang Bayan Resolution No. 152 Series of 2022, pinagtibay ni Mayor Ildebrando Salud ang pagsasailalim sa state of calamity ng buong bayan.
Sa pagdedeklara ng state of calamity ay kaagad na mailalabas ang 30% ng quick respond fund mula sa local disaster and risk reduction management office, upang makatulong sa pagsasa-ayos sa mga napinsala ng nagdaang bagyo.
Sa kabuuan, umabot sa 386 na pamilya o 1,488 na indibidwal ang kinakalinga ng local government unit ng bayan ng San Juan, kung saan ang ilan ay nasa mga paaralan na nagsilbing evacuation centers, mga barangay hall, at maging sa municipal gymnasium.
Makaraang tumaas ang tubig baha sa San Juan District hospital noong Sabado, ay sa municipal gymnasium din agad na inilikas ang nasa 11 pasyente makaraang halos lumubog ang hospital beds sa loob ng ospital.
Paglabas naman ng ospital ay lampas baywang ang baha na tatawirin papunta sa main road kaya’t kumuha na ng payloader ang LGU katuwang ang MDRRMO at mga reservist, upang doon isakay ang mga equipment at hospital beds na siyang ginagamit ngayon sa loob ng gymnasium.
At dahil lubog pa rin sa tubig baha ang ilang mga barangay, kaya minabuti ng mga residente na ilagay muna ang kanilang mga alagang hayop sa gilid ng kalsada na mas mataas sa kinatatayuan ng kanilang bahay.
Samantala, bumagsak na rin ang Tipas-Bantilan bridge na nagdurugtong sa bayan ng San Juan sa Batangas at bayan ng Sariaya sa Quezon.
Ayon sa DPWH, 1970 pa ginawa ang nasabing tulay na yari sa bakal o trusses. Hindi umano kinaya ng tulay ang malaking volume ng tubig sa ilog na nagresulta sa pagbagsak nito.
Ilang mga bahay din ang bumagsak sa gilid ng ilog makaraang bumigay ang malaking bahagi ng riprap na hanggang ngayon ay lubog pa rin sa tubig.
Pahirapan naman para sa mga motorista ang pagtawid sa kabilang bayan dahil sa pagkaputol ng tulay. Kinakailangan pang umikot ng 3-4 na bayan para makarating lamang sa kabilang pampang.
Inaasahan naman na agad na masisimulan ang pagsasa-ayos sa riprap at pagbuo ng panibagong tulay makaraang harangan ng DPWH ang daan upang hindi na pagmulan ng panibagong sakuna.
Ghadz Rodelas