Bayanihan bakunahan National anti COVID-19 vaccination day , pinalawig ng Malakanyang hanggang December 3
Pinayagan na ng Malakanyang ang pagpapalawig sa Bayanihan Bakunahan National Anti COVID-19 Vaccination Day hanggang December 3.
Sinabi ni Presidential Adviser for COVID-19 Response at National Task Force o NTF Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon na naglabas na ng guidelines ang National COVID-19 Vaccination Operation Center para sa extension ng Bayanihan Bakunahan na nagsimula noong November 29 hanggang December 1.
Ayon kay Dizon, mismong ang mga Local Government Units o LGUS ang humiling na palawigin pa ang Bayanihan Bakunahan laban sa COVID-19 upang hindi mawala ang momentum ng pagnanais ng publiko na magpabakuna.
Inihayag ni Dizon na inaatasan ang mga Regional/Local Vaccination Operation Center na tiyakin na may sapat na personnel at supply ng bakuna na magagamit sa pagpapatuloy ng mass vaccination program ng pamahalaan.
Magugunitang hindi naabot ang target ng gobyerno na 9 milyong indibiduwal ang mababakunahan sa 3 araw na Bayanihan Bakunahan laban sa COVID-19.
Vic Somintac