Bayanihan bakunahan patok sa unang araw – National task force against COVID-19
Maganda ang inisyal na takbo ng unang araw ng Bayanihan Bakunahan national COVID-19 vaccination day na tatagal hanggang December 1.
Sa Laging Handa public briefing sinabi ni National Task Force o NTF against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez sa mga nakukuha nilang report sa ibat ibang bahagi ng bansa ay pinipilahan ang mga vaccination sites.
Ayon kay Galvez magandang senyales ito na marami pa talaga ang gustong magpabakuna laban sa COVID- 19.
Naniniwala si Galvez na kakayaning makamit ang tatlong milyong target kada araw na mababakunahan.
Binigyang diin ni Galvez sa mga nakalipas na buwan, nakita na malaki ang naitulong ng bakuna para bumaba ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Iginiit ni Galvez na mahalagang mabakunahan ang hindi pa bakunado sa harap na rin ng bagong omicron variant ng COVID-19 na nakita na kumakalat sa ibat-ibang mga bansa sa mundo.
Kasabay nito muling nanawagan si Galvez sa publiko na huwag magdalawang isip na magpabakuna dahil sapat ang supply ng anti COVID-19 vaccine upang tuluyan ng makontrol ang pagkalat ng pandemya ng COVID-19.
Vic Somintac