‘Bayanivation Project’ inilunsad ng US Embassy sa Del Carmen, Surigao del Norte para suportahan ang fishing sector
Pinangunahan ng US Embassy ang paglulunsad ng isang proyekto para matulungan ang ikinabubuhay ng mga mangingisda sa Del Carmen, Surigao del Norte.
Ito ay ang “Bayanivation Project” na nagpapakilala ng mga innovation at digital transformation sa mga programa at serbisyo ng mga LGUs.
Ayon sa US Embassy, bumuo ng marketing at livelihood projects para sa sektor ng pangingisda ang mga participants sa tatlong araw na thinking bootcamp na isinagawa sa Surigao State College of Technology – Del Carmen Campus.
Katuwang ng embahada sa proyekto ang Young Southeast Asian Leaders Initiative (YSEALI) alumni, Limitless Lab, at munisipalidad ng Del Carmen.
Lumahok sa bootcamp ang 38 youth leaders at 12 local government personnel.
Sinabi ng LGU na naapektuhan ng malubha ng pandemya ang mga mangingisda sa lugar dahil karamihan sa mga restaurant at resorts ay sarado.
Umaasa ang Del Carmen LGU na sa tulong ng proyekto ay makakuha sila ng mga bagong ideya mula sa kabataan kung papaano muling mabubuhay at mapananatili ang fisheries sector sa lugar.
Inihayag ng US Embassy na popondohan ng lokal na pamahalaan ng Del Carmen ang tatlong proyekto na may seed grants na P20,000 bawat isang implementasyon.
Kabilang sa mga protekto ay ang pag-organisa ng small-scale night market kung saan puwedeng direktang ibenta ng mga mangingisda ang kanilang huli sa mga lokal na mamimili, social media-based online market, at produksyon ng organic fertilizers mula sa fish wastes na maaring isuplay sa mga bukid.
Moira Encina