Baybay City sa Leyte, isinailalim sa state of emergency dahil sa mataas na kaso ng dengue
Naalarma ang mga otoridad ng Baybay City dahil sa pagtaas ng dengue cases kaya nag-deklara na ang lunsod ng “state of emergency” upang madaling magawan ng hakbang ang suliraning ito na pangkalusugan.
Ayon kay Dr. Norberto Oja – Baybay City Medical Director, umabot na sa 195 dengue cases ang naitala ng kanilang tanggapan sa loob ng dalawang quarter ng taong ito at 3 na ang namatay dahil sa sakit na dengue, at apatnapung (40 ) barangay na ng Baybay City ang apektado nito na kung saan ang Brgy. Guadalupe at Ponponan ang may maraming kaso ng dengue.
Samantala, ayon kay Dr. Honorato Herbosa ng Western Leyte Provincial Hospital, umabot na rin sa 143 pasyente na may dengue ang naadmit sa kanilang hospital at ang mga nasa kritikal na kalagayan ay inire-refer nila sa Eastern Visayas Regional Medical Center o EVRMC.
Nananawagan ang mga otoridad ng Baybay City na tumulong ang mga mamamayan na linisin ang kanilang kapaligiran upang walang pamumugaran ang mga lamok na pinagmumulan ng dengue.
Ulat ni Chard Cabrera