BBM hiniling sa PET na baligtarin ang desisyon na nagbabasura sa kanyang poll protest
Naghain na ng motion for reconsideration sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal si dating Sen. Bongbong Marcos para hilinging baligtarin ang ruling nito noong Pebrero na nagbabasura sa kanyang election protest.
Sa kanyang mosyon, iginiit ni Marcos na nagkamali ang tribunal sa pagbasura sa kanyang Third Cause of Action na humihiling ng ipawalang-bisa ang resulta ng halalan sa tatlong probinsya sa Mindanao.
Ayon sa dating senador, mali ang aplikasyon ng tribunal sa Rule 65 ng PET Rules sa pag-dismiss sa kanyang Third Cause of Action.
Hindi rin aniya tama na ibasura ng PET ang nasabing kahilingan nang hindi siya binigyan ng pagkakataon na magprisinta ng ebidensya ukol sa sinasabing malawakang dayaan sa Mindanao.
Binanggit din sa mosyon na mali ang tribunal sa hindi pagkonsidera sa annulment ng eleksyon bilang independent, hiwalay, at distinct cause of action na maaaring ituloy sa kabila ng pagbasura sa kanyang second cause of action na ukol sa manual recount.
Kaugnay nito, hiniling ni Marcos sa PET maglabas ito ng resolusyon na naguutos sa pagbuo ng special committee na magsasagawa ng mga pagdinig, tatanggap, at kikilatis sa mga ebidensya para sa Third Cause of Action.
Hinimok din ng dating senador ang tribunal na atasan ang COMELEC handwriting experts na magsagawa ng technical examination sa voters’ signatures sa computerized voters’ list at ikumpara ito sa mga lagda sa Voters’ Registration Records sa clustered precincts sa Lanao del Sur, Maguindanao, at Basilan.
Nais din ni Marcos na magsagawa ang PET ng preliminary conference sa kanyang Third Cause of Action, at ituloy ang pagprisinta ng mga ebidensya ukol dito.
Moira Encina