BBM hiniling sa SC na ibasura ang petisyon na ipakansela ang kanyang COC
Ipinababasura ni President-elect Bongbong Marcos Jr. sa Korte Suprema ang petisyon na humihirit na ipakansela ang kanyang certificate of candidacy.
Sa 45-pahinang komento ng kampo ni Marcos, hiniling din nito na protektahan ng Supreme Court ang pagpili o “free choice” ng sambayanang Pilipino kay BBM bilang kanilang pangulo.
Tahasang sinabi ng panig ni Marcos na paglapastangan sa “sovereign will” ng taumbayan ang nais ng mga petitioners na ideklarang hindi naging kandidato si BBM at ang sumunod na may pinakamataas na boto ang iproklamang nanalo.
Ipinunto ng abogado ni BBM na si Estelito Mendoza na ang boto kay Marcos na
31,629,783 ay higit sa doble ng boto na nakuha ni Vice President Leni Robredo na nasa 15 milyon.
Ayon kay Mendoza, ang boses ng botanteng Pinoy ay totoo at malinaw na hindi lamang wala silang nakitang batayan para madisqualify si Marcos kundi gusto rin ng mga ito na maging presidente ng Republika ng Pilipinas si BBM.
Iginiit pa ng abogado na dapat mabasura ang petisyon dahil sa kawalan ng hurisdiksyon ng Korte Suprema sa kaso.
Aniya tanging ang Presidential Electoral Tribunal ang may kapangyarihan na kumilatis sa eligibility ni Marcos.
Kung nasa hurisdiksiyon man ito ng SC ay dapat pa ring madismiss ang petisyon dahil sa kawalan ng merito.
Giit ng kampo ni Marcos, dapat bigyang bigat at igalang ang desisyon ng Comelec na wala itong nakitang pagsisinungaling o false representation sa COC ni Marcos.
Moira Encina