BBM-Sara nanguna muli sa Publicus Asia Survey
Nanguna ang UniTeam tandem na sina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running mate nito na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa National Election Tracker Survey ng Publicus Asia.
Isinagawa noong Pebrero 11 hanggang 16 ang survey na nilahukan ng 1,500 respondents.
Si Marcos ang pinili ng 52.27% ng respondents bilang kanilang pangulo na mataas ng 30 percentage points sa pumangalawa na si Vice- President Leni Robredo.
Walang nabago sa voter preference para kay Marcos kumpara sa survey ng Publicus noong December 2021 habang tumaas ng 2% si Robredo(22.33%).
Nakakuha ng 9% si Manila Mayor Isko Moreno, sumunod sina Senators Ping Lacson at Manny Pacquiao na may 3.276% at 2.67%, at Leody de Guzman na may 0.67%.
Undecided naman ang halos 9% ng mga respondents.
Sa vice-presidential survey, nanguna si Duterte-Carpio na may 53.53% na mataas ng 40 percentage points kumpara sa nakuha ni Senador Kiko Pangilinan (13.67%).
Pangatlo si Dr. Willie Ong na 12.60%, sumunod sina Senate President Tito Sotto na 9% at Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na 1%.
Wala pa ring pasya ang halos 9% ng respondents para sa vice-presidential candidate.
Madelyn Moratillo