Bed capacity sa mga ospital, hindi pa maituturing na kritikal kahit patuloy ang pagtaas ng Covid-19 cases sa bansa
Hindi pa kailangang magpatupad ng total lockdown ang pamahalaan kahit nagkaroon ng mabilis na pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bansa.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ikukunsidera lamang ng Malakanyang ang pagpapatupad ng lockdown sa sandaling mapuno na ang mga ospital ng mga tinamaan ng COVID 19.
Sa ngayon aniya ay hindi pa maituturing na kritikal ang bed capacity ng mga ospital.
Ayon kay Roque nagpapatupad ng kaukulang hakbang ang pamahalaan katulong ang mga Local Government Units (LGU) sa pamamagitan ng granular lockdown sa kanilang nasasakupan na may naitalang malalang kaso ng COVID 19 upang makontrol ang palobo ng kaso.
Niliwanag ni Roque na hangga’t maaari ay iniiwasan na ng gobyerno ang pagpapatupad ng total lockdown sa malaking bahagi ng bansa dahil isinasa-alang-alang ang ekonomiya na masyado ng nalumpo dahil sa isang taon ng pakikibaka sa Pandemya.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos ang pagtaya ng mga Health experts na posibleng papalo sa 11,000 ang magiging arawang kaso ng COVID 19 kung magpapatuloy ang paglobo ng mga naitatalang nagpopositibo sa Coronavirus sa bansa.
Vic Somintac