Benefit concert para sa mga sugatang sundalo ng Marawi, isasagawa
Magsasagawa ang Fraternal Order of Eagles (Philippine Eagles), na kilala rin bilang Philippine Eagles Brotherhood Concord ng benefit concert para sa mga sugatang sundalo na nakipagbakbakan sa Marawi City.
Ang nasabing show for a cause na may temang “KAWAL DANGAL NG BAYAN: Pagpupugay ng Agila sa mga Sugatang Kawal”,ay idaraos sa Oktubre 7, 2017, Sabado, 2-6 ng hapon sa V. Luna Auditorium, AFP General Hospital V. Luna Road Quezon City.
Ayon kay G. Gabo Ignacio, Project Chairman at Charter President ng Cavite Golden Eagles Club, ang proyektong ito ay isang maliit na pagkilos ng kanilang organisasyon upang maipakita ang pasasalamat sa ating mga kawal.
Katuwang din sa nasabing benefit concern ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) upang matiyak na maayos ang koordinasyon sa organisasyon at mga benepisaryo ng aktibidad.
Nakakuha rin ng suporta ang grupo mula sa pribadong sektor na kinabibilangan ng iba’t ibang negosyo at samahan.
Giit pa ni Ignacio karamihan ng makikinabang sa kanilang proyekto ay mga sundalo na nakaligtas mula sa Marawi Siege.
Magbibigay din sila ng tulong-pinansiyal sa mga pamilya ng mga namatay na sundalo at maging sa mga kawal na nakipaglaban sa New People’s Army (NPA).
Gagamitin ang kita ng konsiyerto bilang tulong-pinansiyal at sa pagpapagamot maging sa hospital supplies ng bawat isang sugatang sundalo at pamilya ng mga namatay na kawal sa Marawi siege.