Bentahan ng illegal drugs sa piitan sa Zamboanga City, iimbestigahan ng BuCor
Inatasan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director- General Gregorio Catapang Jr. ang pamunuan ng San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) sa Zamboanga City na imbestigahan ang sinasabing bentahan at paggamit ng iligal na droga sa piitan.
Ayon sa BuCor, ito ay matapos maaresto ang asawa ng isa sa mga inmate dahil sa pagtatangkang pagpuslit ng 2.7 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P18,000 habang bumibisita sa mister.
Nai-turnover na ang nahuling suspek na kinilalang si Aharayam Jaidi, 64 anyos sa Zamboanga Police Station.
Nais ni Catapang na malaman kung may inmates o tauhan ng penal farm na sangkot sa iligal na droga.
Sa report ng liderato ng SRPPF kay Catapang, naghinala sila na may nakapuslit ng iligal na droga sa piitan matapos na mahuli ang apat na PDLs na nagpa-pot session sa kanilang selda noong Mayo 5.
Dahil dito, isinailalim sa drug test ang mga inmate sa parehong selda kung saan nagpositibo ang mga ito sa droga kabilang ang mister ni Jaidi.
Moira Encina